Hanapan ang Blog na Ito

Martes, Hulyo 14, 2015

BASURA ANG OPM!!!!!!

Oo! Tama, ang nababasa ninyo. Kahit na labis ang aking pagmamahal sa aking kultura, kasaysayan bayan at pagkamamayan ay hindi ko masikmura ang kasalukuyang kalagayan ng musikang Filipino. Musikang, ewan ko ba kung bakit ang pagkakasadlak ay ganoon na lamang.

Original Pinoy Music, ito ang tawag sa mga musikang nagawa sa kasalukuyan ng mga Filipinong mang-aawit. Mga musikang sa labis na pagkahumaling sa musikang kanluranin ay maituturing mo nang basura, Walang kwenta! Mga musikang binubuo ng mga paulit-ulit na mga salitang wala namang kapararakan. Mga musikang ang pinahahalagahan ay hindi ang sining kung hindi ang kita. Mga musikang ang kumakanta ay hindi kinakailangan may talento kundi sikat lamang. Ito, ito ang musikang patok ngayon sa bayan ng Filipinas.

Marami ang nagsasabi na kailangang itaguyod ang OPM. Naniniwala ako rito! At ang pinaka-mainam na gawin para ito ay mabuhay muli ay ang paggawa ng kanta. Kanta na ang wikang gagamitin ay Filipino. Kanta na ang paksa ay makahulugan at kapupulutan ng inspirasyon. Kanta na tatangkilikin ng masang Filipino, hindi dahil sa sikat lamang ang kumakanta o sa ritmo nitong masigla, kundi dahil napupukaw nito ang damdamin ng bawat tao. Ito ang mga kanta na hindi mo maririnig sa kasalukuyang OPM. Mga kantang naturingang "OPM" ngunit walang pagkakaiba sa kanluraning musika kundi ang wika lamang. 

Nasaan na ba ang mga musikero at kompositor na maglalahad ng isang pamantayang dekalidad para sa musikang Filipino? Nasaan na ba ang mga "producer" at "record labels" na handang sumugal ng pera't panahon para sa isang dekalidad na musikang Filipino? At higit sa lahat, nasaan na ba ang mga Filipinong handang tumangkilik ng mga dekalidad na musika? Wala! Sapagkat ang kanilang mga tenga ay natatakpan ng kawalang pag-asa. At ang kanilang isipan ay nilalamon ng mga katanungang, sinong tatangkilik sa kanila? Paano sila kikita? Paano sila mabubuhay? Kung ang panlasa ng mga tao ngayon ay nauulapan ng ritmo ng modernisasyon at melodiya ng salapi. 

Buti na lamang ay mayroon pa ring tulad nina Joey Ayala, Gloc-9,Gary Granada na libreng ipinamimigay ang kanyang mga musika (garygranada.co) , at marami pang iba na pilit gumagawa ng mga makabayan at dekalidad na musikang Filipino sa kabila ng di maipaliwanag na "demand". Sabi nga ng isang satirikong pahina sa Facebook, "Bobo ang Demand kaya Bobo rin ang Supply." Kung gusto natin ng dekalidad, maghanap tayo ng dekalidad. I-pressure natin ang ating mga sarili upang maging dekalidad at nag-iisip na mamamayan nang makatagpo tayo ng mga dekalidad na mga bagay na dapat lamang sumaatin.

1 komento:

  1. Maganda ang iyong naisulat. Kailan kaya babalik yung mga awitin nung panahon ng Manila Sound. Napakasarap pakingan ang mga awitin noong panahon na yun.
    Simula 2000 hangang sa kasalukuyan puro revival na mga kanta, novelty songs ang mga kanta ngayon. Bihira na lang ang mga bagong kanta ngayon na seryoso, Oo nandyan yung mga bagong kanta ng ibang artista na naging singer pero makakalimutan din ito ng madla. Sana'y makagawa sila ng kanta na kahit umabot ito ng ilang dekada ay makabuluhan ito at maaalala ng mga tao.

    TumugonBurahin