Hanapan ang Blog na Ito

Sabado, Nobyembre 29, 2014

Kabataan sa Panahon ng Lubhang Kasadlakan ng Bayan


Larawan mula sa: malacanang.gov.ph
           Globalisasyon, Industriyalisasyon at Matatag na Republika, ilan lamang ito sa mga bagay na inaasahang magpapalitada sa baku-bakong landasin ng Pilipinas sa iba’t ibang aspekto ng lipunan. Magpapahusay sa serbisyo ng ating gobyerno, makapagbibigay ng trabaho sa milyung-milyong Pilipino at ang pag-asang mas magiging kapaki-pakinabang para sa bayan ang ating agham at teknolohiya. Ito ang mahigpit na pinanghahawakan ng mga Pilipino sa pag-asang maalwanan ang kanilang pamumuhay sa hinaharap. Ngunit, ito ay bago ang ika-21 siglo, kung kailan ang mga tao ay malubha ang pagkakalango sa kaunlarang pangako ng bagong panahon. Kaunlaran, Kapayapaan, Katiwasayan—pawang matatamis na bungang dapat lamang na matikman ng bawat Pilipino. Ganito nila nakikita ang hinaharap nila, hinaharap nila na kasalukuyan natin ngayon. Kung gayon, natatamasa na ba natin ang katotohan ng mga hirayang ito?

Larawan kuha mula sa: rappler.com


            Simula ng pagpasok ng ika-21 siglo, di yata’t nabalot agad ng lagim ang ating gobyerno. Napatalsik ang ating pangulong nangako ng globalisasyon sa kasong pandarambong. At ang Globalisasyon ay napalitan ng Imperyalismo ng mga banyagang nais pagkaisahang unti-unti ang ating bayan. Hindi natin mapabilis-bilis ang industriya nating magbibigay sana ng disenteng trabaho sa ating mga kababayan at ang Republika nati’y balot ng katiwalian. Ganito tayo ngayon, malapit lamang tayo sa guni-guni ng kaunlaran. Ang katiwasayang hangad ay napalitan ng kahirapan na nagpapatiklop-tuhod sa mga kababayan
Larawan mula sa: pinoyweekly.org
nating kuba na sa pagkakayukod sa trabaho. Kahirapag nagdulot ng kagutuman sa mayorya ng ating populasyon. Sabi nila, sa Demokratikong lipunan malakas ang mayorya, ngunit bakit iba sila? Sila ang mayoryang mahina ang tinig sa hustisya habang nabubusalan naman ang bibig at napipiringan ang mata tuwing eleksyon. Dahil sa kahirapang ito, ang mga maralita rin nating kababayan ang siyang nalulugmok sa mga gawaing di-mainam gaya ng pagnanakaw. Pagnanakaw na kung ang konsensya nga ng mayayama’y hindi ligtas, paano pa kaya yaong mga kumakalam ang sikmura?
            Ito ang kalagayan natin ngayon. At wala nang makapagpapabago pa nito kundi tayong kabataan. Hahayaan pa ba natin itong maranasan at masilayan pa ng ating mga anak? Huwag na! Itigil na natin ito dito at gawing katotoohanan ang mga hiraya ng nakaraan. Ang pag-aaral natin sa kolehiyo ang ating tuntungan para ito ay maabot. Igugol natin ang ating kakayahan, enerhiya at panahon sa isang dakilang layuning mapaunlad ang ating bayan! ‘Pagkat kung tunay nating mahal ang ating bayan; sino pa ba ang hahayaang maging bulag, pipi’t bingi ang kanyang kababayan? Sino pa ba ang magiging tiwali? Sino pa ba ang hahayaang maghirap ang kanyang kapwa? Wala na! Dito lamang natin masasabing tayo ang tunay na pag-asa ng bayan kapag nalasap na natin ang kaginhawaang bunga nito. Kaginhawaang magpaparanas sa atin ng tunay na kalayaan! 

Larawan mula sa: mjqlaureta.blogspot.com/



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento