Tulungan mo ako Anak
‘Pagkat ako ay nangungulila,
Sa mainit na yakap at halik na kaytamis ng iyong mga Kapatid,
O, hindi mo matatalos ang ngayo’y aking nadarama
Para sa Inang inulila ng Anak.
Minsan naitatanong ko na lamang sa aking sarili,
Kung ang marubdob na pagmamahal nilang hindi masusukat ninuman,
Pag-aarugang hindi matatawaran ng kahit anong salapi,
At ang kanilang walang-sawang pagbabahagi ng oras sa akin,
Ay sa gunita’t alaala na lamang madaramang muli?
Maging iba ka nawa Anak at sa piling ko’y huwag nang lumayo pa,
‘Pagkat ang pagmamahal ko sa iyo’y di kayang masukat ninuman,
Sa aking bisig ika’y aking yayapusin nang mahigpit
Hanggang ang init ng gabi’y pumanaw sa iyo,
Alalahanin mo sana ako Anak sa gabi kung ako’y wala.
Sa iyong mapupulang pisngi’y walang darampi,
Kundi mga halik na singtamis ng madilaw na mangga,
Mga halik na magpapaalala sa iyo hindi ng kapighatian ng buhay,
Kundi ang walang katapusang kasiyahang dulot nito.
O Anak, hayaan mong kanlungin kita ng aking pagmamahal.
Ako’y may kahilingan, na kung bukas ay pumanglaw na ang sikat sa akin ng Araw,
Punuin mo sana ang iyong puso ng pagmamahal at kababaang-loob sa iyong kapwa,
Na kahit kaila’y hindi mo aalisin ang pananalig mo sa Diyos,
Manalig ka Anak at ipagdasal na sa kahit sa kabilang-buhay
Ay maranasan ko ang Kaginhawaan….
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento