Hanapan ang Blog na Ito

Huwebes, Enero 29, 2015

Kasiyahan at Kalungkutan sa Villamor Airbase










Ang lakas humagupit ng pagkakataon, panahon at oras. Lubhang nakabibilib habang nakalulungkot din naman ang kakaiba nitong paraan ng pagbabalanse ng mga bagay-bagay. Pilit tayo nitong ginugulantang ng masakit na katotohan na ang lahat ay panandalian. Na ang kasiyahan ay mayroong kalungkutan, na ang nakabibinging ingay ay di-sasansalang papalitan din ng isa pang nakabibinging katahimikan at mas masaklap pa ay ang pagpapaalalang kung may BUHAY ay may KAMATAYAN!


Sa pagdating ng Santo Papa ay nabalot ang buong bayan ng kagalakan. Sa ‘runway’ kung saan lumapag ang eroplanong lulan ang Santo Papa ay mayroong nakabibinging hiyawan at sigawan, pati na ang mahina ngunit mauulinigang hagulgol ng ilan sa mga nakakita sa Santo Papa ay bunga ng kasiyahan. Ang mga tao’y nagkukumpulan, alumpihit sa kinatatayuan lahat gustong makakita sa Santo Papa. dagdag mo pa sa mga taong ito ang LUMINYA SA ‘RED CARPET’ na OPISYAL NG GOBYERNO at isa-isang HUMALIK SA KAMAY ng Santo Papa. Ang lahat ng ito ay animo’y walang katapusan, animo’y nalasap na natin ang katiting ng langit dahil dito PERO sa isang kagulat-gulat na pangyayari ay nabaligtad na ang lahat nang ito.


Isang linggo matapos ang pag-alis ng Papa ay dumating naman ang C130 plane dala ang 42 na mga BAGONG BAYANI NG BAYAN (ang 2 ay nailibing na sa Maguindanao). 44 BAGONG BAYANI na walang ginawa kundi ang isabuhay ang sinumpaang tungkulin. 44 BAGONG BAYANI na nagpakamatay para sa bayan……….nang walang dangal. Naroon pa rin ang hiyaw at sigaw pati hagulgol, ngunit hindi na bunga ng kasiyahan, kundi bunga ng di-masukat na pighati sa di-katangap-tanggap nilang kamatayan. Ang mga PINUNO NG BAYAN na inaasahang UNANG MAKIKIRAMAY ay iilan lamang ang nagsidalo at ang pangulo ay nasa ‘car show’ #NASAAN ANG PANGULO?


Sapat na ba ang “National Day of Mourning”? Sapat na ba ang pag-“Half Mast” sa bawat bandilang ating Bayan? Sapat na ba ang donasyon mula mga mambabatas? Tama at sapat ba ang ginagawa ngayon ng ating pamahalaan?


Ang pagiging pulis o ang pagiging sundalo ay kahalintulad ng pagpapakamatay buhat ng dala nitong peligro at ang naturalesa nitong kawalang-katiyakan. Nariyan ang mga pulis at sundalo upang MAMATAY o PUMATAY, PERO sa isang MAKATAO at DAKILANG pamamaraang buhat ng isang layuning para sa kabutihang panlahat. Ngunit, bakit ganito ang nangyari sa ating mga kababayan? Namatay ng WALANG PURI !!!!! NAKAKAINIS…NAKAKAGALIT…


Isama mo pa ang MALAMYANG tugon ng GOBYERNO. Dahil ba “Mapagmahal TAYO sa KAPAYAPAAN? AT KARAPATANG PANTAO? Namatayan LANG naman kasi tayo ng 44 na sundalo na PATAY NA, PINATAY PA! ANONG KLASENG GOBYERNO ANG MAHAL ANG KAPAYAPAAN NGUNIT HINDI KILALA ANG HUSTISYA?


#ItsMoreFunToBeASoldierInThePhilippines #OnlyInThePhilippines #NasaanAngPangulo




Martes, Enero 27, 2015

Hibik ng Ina sa Anak

Tulungan mo ako Anak
‘Pagkat ako ay nangungulila,
Sa mainit na yakap at halik na kaytamis ng iyong mga Kapatid,
O, hindi mo matatalos ang ngayo’y aking nadarama
Para sa Inang inulila ng Anak.

Minsan naitatanong ko na lamang sa aking sarili,
Kung ang marubdob na pagmamahal nilang hindi masusukat ninuman,
Pag-aarugang hindi matatawaran ng kahit anong salapi,
At ang kanilang walang-sawang pagbabahagi ng oras sa akin,
Ay sa gunita’t alaala na lamang madaramang muli?

Maging iba ka nawa Anak at sa piling ko’y huwag nang lumayo pa,
‘Pagkat ang pagmamahal ko sa iyo’y di kayang masukat ninuman,
Sa aking bisig ika’y aking yayapusin nang mahigpit
Hanggang ang init ng gabi’y pumanaw sa iyo,
Alalahanin mo sana ako Anak sa gabi kung ako’y wala.

Sa iyong mapupulang pisngi’y walang darampi,
Kundi mga halik na singtamis ng madilaw na mangga,
Mga halik na magpapaalala sa iyo hindi ng kapighatian ng buhay,
Kundi ang walang katapusang kasiyahang dulot nito.
O Anak, hayaan mong kanlungin kita ng aking pagmamahal.

Ako’y may kahilingan, na kung bukas ay pumanglaw na ang sikat sa akin ng Araw,
Punuin mo sana ang iyong puso ng pagmamahal at kababaang-loob sa iyong kapwa,
Na kahit kaila’y hindi mo aalisin ang pananalig mo sa Diyos,
Manalig ka Anak at ipagdasal na sa kahit sa kabilang-buhay
Ay maranasan ko ang Kaginhawaan….