Hanapan ang Blog na Ito

Martes, Hulyo 14, 2015

BASURA ANG OPM!!!!!!

Oo! Tama, ang nababasa ninyo. Kahit na labis ang aking pagmamahal sa aking kultura, kasaysayan bayan at pagkamamayan ay hindi ko masikmura ang kasalukuyang kalagayan ng musikang Filipino. Musikang, ewan ko ba kung bakit ang pagkakasadlak ay ganoon na lamang.

Original Pinoy Music, ito ang tawag sa mga musikang nagawa sa kasalukuyan ng mga Filipinong mang-aawit. Mga musikang sa labis na pagkahumaling sa musikang kanluranin ay maituturing mo nang basura, Walang kwenta! Mga musikang binubuo ng mga paulit-ulit na mga salitang wala namang kapararakan. Mga musikang ang pinahahalagahan ay hindi ang sining kung hindi ang kita. Mga musikang ang kumakanta ay hindi kinakailangan may talento kundi sikat lamang. Ito, ito ang musikang patok ngayon sa bayan ng Filipinas.

Marami ang nagsasabi na kailangang itaguyod ang OPM. Naniniwala ako rito! At ang pinaka-mainam na gawin para ito ay mabuhay muli ay ang paggawa ng kanta. Kanta na ang wikang gagamitin ay Filipino. Kanta na ang paksa ay makahulugan at kapupulutan ng inspirasyon. Kanta na tatangkilikin ng masang Filipino, hindi dahil sa sikat lamang ang kumakanta o sa ritmo nitong masigla, kundi dahil napupukaw nito ang damdamin ng bawat tao. Ito ang mga kanta na hindi mo maririnig sa kasalukuyang OPM. Mga kantang naturingang "OPM" ngunit walang pagkakaiba sa kanluraning musika kundi ang wika lamang. 

Nasaan na ba ang mga musikero at kompositor na maglalahad ng isang pamantayang dekalidad para sa musikang Filipino? Nasaan na ba ang mga "producer" at "record labels" na handang sumugal ng pera't panahon para sa isang dekalidad na musikang Filipino? At higit sa lahat, nasaan na ba ang mga Filipinong handang tumangkilik ng mga dekalidad na musika? Wala! Sapagkat ang kanilang mga tenga ay natatakpan ng kawalang pag-asa. At ang kanilang isipan ay nilalamon ng mga katanungang, sinong tatangkilik sa kanila? Paano sila kikita? Paano sila mabubuhay? Kung ang panlasa ng mga tao ngayon ay nauulapan ng ritmo ng modernisasyon at melodiya ng salapi. 

Buti na lamang ay mayroon pa ring tulad nina Joey Ayala, Gloc-9,Gary Granada na libreng ipinamimigay ang kanyang mga musika (garygranada.co) , at marami pang iba na pilit gumagawa ng mga makabayan at dekalidad na musikang Filipino sa kabila ng di maipaliwanag na "demand". Sabi nga ng isang satirikong pahina sa Facebook, "Bobo ang Demand kaya Bobo rin ang Supply." Kung gusto natin ng dekalidad, maghanap tayo ng dekalidad. I-pressure natin ang ating mga sarili upang maging dekalidad at nag-iisip na mamamayan nang makatagpo tayo ng mga dekalidad na mga bagay na dapat lamang sumaatin.

Linggo, Marso 15, 2015

N..I..K.Y



Ang tanong na ito'y madalas kong madatnan,

Sa aking isipa'y, ang sagot ay di madatnan,

Ang tanong ay kung bakit ang ating bayan

Ay isa nang bayang pinanawan na ng mga makabayan.


Ang baya'y isa raw Perlas sa Silangan,

Bayang sa labis na pagkamarikit, ay nahalina ang dayuhan,

Na sa matatamis na dila't pwersang di-padaraig ay tayo'y napailaliman,

Ng Leon, ng Agila, ng Pasikat na Araw ng Silangan.


'Tong tatlong ito'y labis sa atin kung makadikit,

Na sa napakatagal na panahon ng panggagago, pang-aalipusta't pangmamaliit,

Ay bumangon tayong muli at naghilom ang mga sugat,

Mula sa kalmot ng Leon, sa kuko ng Agila, at sa lapnos ng Araw.


Ngunit sa kabila ng sigaw ng kapayapaan at sa pangako nitong bagong-buhay

Na mas labis pa sa ecstasy ang epekto sa isipan yy lumaya na nga ba ang bawat isa sa atin?

Kung hindi'y ano itong ating bayan?

At kung oo'y, bakit ang pagmamahal sa baya'y patay?


Ngunit itong lahat nang ito'y imahinasyon ko lang pala,

Tayo pala'y hindi pa malaya 'pagkat sa Agila pa rin tayo nakaasa,

Marami pa rin palang makabayan hindi lang natin sila nakikita,

Pagkat sila lamang ay tahimik, tahimik sa isang tabi...sa dilim...sa ilalim...kung saan ang lahat ng nangabulok ay kasama nila.


Ngunit sa kanila'y may hindi nasama ang dahilan ng kasiklam-suklam nilang kalagayan,

Isang bagay na kahit anong gawin ay hindi mailagay sa dapat na kalagyan,

Karamihan ay dito na nakadikit ang kabuhayan na lumalapastangan sa ating bayan,

Sistema! Sistemang Bulok! Sistemang Di-Makabayan!

Huwebes, Enero 29, 2015

Kasiyahan at Kalungkutan sa Villamor Airbase










Ang lakas humagupit ng pagkakataon, panahon at oras. Lubhang nakabibilib habang nakalulungkot din naman ang kakaiba nitong paraan ng pagbabalanse ng mga bagay-bagay. Pilit tayo nitong ginugulantang ng masakit na katotohan na ang lahat ay panandalian. Na ang kasiyahan ay mayroong kalungkutan, na ang nakabibinging ingay ay di-sasansalang papalitan din ng isa pang nakabibinging katahimikan at mas masaklap pa ay ang pagpapaalalang kung may BUHAY ay may KAMATAYAN!


Sa pagdating ng Santo Papa ay nabalot ang buong bayan ng kagalakan. Sa ‘runway’ kung saan lumapag ang eroplanong lulan ang Santo Papa ay mayroong nakabibinging hiyawan at sigawan, pati na ang mahina ngunit mauulinigang hagulgol ng ilan sa mga nakakita sa Santo Papa ay bunga ng kasiyahan. Ang mga tao’y nagkukumpulan, alumpihit sa kinatatayuan lahat gustong makakita sa Santo Papa. dagdag mo pa sa mga taong ito ang LUMINYA SA ‘RED CARPET’ na OPISYAL NG GOBYERNO at isa-isang HUMALIK SA KAMAY ng Santo Papa. Ang lahat ng ito ay animo’y walang katapusan, animo’y nalasap na natin ang katiting ng langit dahil dito PERO sa isang kagulat-gulat na pangyayari ay nabaligtad na ang lahat nang ito.


Isang linggo matapos ang pag-alis ng Papa ay dumating naman ang C130 plane dala ang 42 na mga BAGONG BAYANI NG BAYAN (ang 2 ay nailibing na sa Maguindanao). 44 BAGONG BAYANI na walang ginawa kundi ang isabuhay ang sinumpaang tungkulin. 44 BAGONG BAYANI na nagpakamatay para sa bayan……….nang walang dangal. Naroon pa rin ang hiyaw at sigaw pati hagulgol, ngunit hindi na bunga ng kasiyahan, kundi bunga ng di-masukat na pighati sa di-katangap-tanggap nilang kamatayan. Ang mga PINUNO NG BAYAN na inaasahang UNANG MAKIKIRAMAY ay iilan lamang ang nagsidalo at ang pangulo ay nasa ‘car show’ #NASAAN ANG PANGULO?


Sapat na ba ang “National Day of Mourning”? Sapat na ba ang pag-“Half Mast” sa bawat bandilang ating Bayan? Sapat na ba ang donasyon mula mga mambabatas? Tama at sapat ba ang ginagawa ngayon ng ating pamahalaan?


Ang pagiging pulis o ang pagiging sundalo ay kahalintulad ng pagpapakamatay buhat ng dala nitong peligro at ang naturalesa nitong kawalang-katiyakan. Nariyan ang mga pulis at sundalo upang MAMATAY o PUMATAY, PERO sa isang MAKATAO at DAKILANG pamamaraang buhat ng isang layuning para sa kabutihang panlahat. Ngunit, bakit ganito ang nangyari sa ating mga kababayan? Namatay ng WALANG PURI !!!!! NAKAKAINIS…NAKAKAGALIT…


Isama mo pa ang MALAMYANG tugon ng GOBYERNO. Dahil ba “Mapagmahal TAYO sa KAPAYAPAAN? AT KARAPATANG PANTAO? Namatayan LANG naman kasi tayo ng 44 na sundalo na PATAY NA, PINATAY PA! ANONG KLASENG GOBYERNO ANG MAHAL ANG KAPAYAPAAN NGUNIT HINDI KILALA ANG HUSTISYA?


#ItsMoreFunToBeASoldierInThePhilippines #OnlyInThePhilippines #NasaanAngPangulo




Martes, Enero 27, 2015

Hibik ng Ina sa Anak

Tulungan mo ako Anak
‘Pagkat ako ay nangungulila,
Sa mainit na yakap at halik na kaytamis ng iyong mga Kapatid,
O, hindi mo matatalos ang ngayo’y aking nadarama
Para sa Inang inulila ng Anak.

Minsan naitatanong ko na lamang sa aking sarili,
Kung ang marubdob na pagmamahal nilang hindi masusukat ninuman,
Pag-aarugang hindi matatawaran ng kahit anong salapi,
At ang kanilang walang-sawang pagbabahagi ng oras sa akin,
Ay sa gunita’t alaala na lamang madaramang muli?

Maging iba ka nawa Anak at sa piling ko’y huwag nang lumayo pa,
‘Pagkat ang pagmamahal ko sa iyo’y di kayang masukat ninuman,
Sa aking bisig ika’y aking yayapusin nang mahigpit
Hanggang ang init ng gabi’y pumanaw sa iyo,
Alalahanin mo sana ako Anak sa gabi kung ako’y wala.

Sa iyong mapupulang pisngi’y walang darampi,
Kundi mga halik na singtamis ng madilaw na mangga,
Mga halik na magpapaalala sa iyo hindi ng kapighatian ng buhay,
Kundi ang walang katapusang kasiyahang dulot nito.
O Anak, hayaan mong kanlungin kita ng aking pagmamahal.

Ako’y may kahilingan, na kung bukas ay pumanglaw na ang sikat sa akin ng Araw,
Punuin mo sana ang iyong puso ng pagmamahal at kababaang-loob sa iyong kapwa,
Na kahit kaila’y hindi mo aalisin ang pananalig mo sa Diyos,
Manalig ka Anak at ipagdasal na sa kahit sa kabilang-buhay
Ay maranasan ko ang Kaginhawaan….