|
Larawan mula sa: malacanang.gov.ph |
Globalisasyon, Industriyalisasyon at
Matatag na Republika, ilan lamang ito sa mga bagay na inaasahang magpapalitada
sa baku-bakong landasin ng Pilipinas sa iba’t ibang aspekto ng lipunan.
Magpapahusay sa serbisyo ng ating gobyerno, makapagbibigay ng trabaho sa
milyung-milyong Pilipino at ang pag-asang mas magiging kapaki-pakinabang para
sa bayan ang ating agham at teknolohiya. Ito ang mahigpit na pinanghahawakan ng
mga Pilipino sa pag-asang maalwanan ang kanilang pamumuhay sa hinaharap.
Ngunit, ito ay bago ang ika-21 siglo, kung kailan ang mga tao ay malubha ang
pagkakalango sa kaunlarang pangako ng bagong panahon. Kaunlaran, Kapayapaan,
Katiwasayan—pawang matatamis na bungang dapat lamang na matikman ng bawat
Pilipino. Ganito nila nakikita ang hinaharap nila, hinaharap nila na
kasalukuyan natin ngayon. Kung gayon, natatamasa na ba natin ang katotohan ng
mga hirayang ito?
|
Larawan kuha mula sa: rappler.com |
Simula
ng pagpasok ng ika-21 siglo, di yata’t nabalot agad ng lagim ang ating gobyerno.
Napatalsik ang ating pangulong nangako ng globalisasyon sa kasong pandarambong.
At ang Globalisasyon ay napalitan ng Imperyalismo ng mga banyagang nais
pagkaisahang unti-unti ang ating bayan. Hindi natin mapabilis-bilis ang
industriya nating magbibigay sana ng disenteng trabaho sa ating mga kababayan
at ang Republika nati’y balot ng katiwalian. Ganito tayo ngayon, malapit lamang
tayo sa guni-guni ng kaunlaran. Ang katiwasayang hangad ay napalitan ng
kahirapan na nagpapatiklop-tuhod sa mga kababayan
|
Larawan mula sa: pinoyweekly.org |
nating kuba na sa
pagkakayukod sa trabaho. Kahirapag nagdulot ng kagutuman sa mayorya ng ating
populasyon. Sabi nila, sa Demokratikong lipunan malakas ang mayorya, ngunit bakit
iba sila? Sila ang mayoryang mahina ang tinig sa hustisya habang nabubusalan
naman ang bibig at napipiringan ang mata tuwing eleksyon. Dahil sa kahirapang
ito, ang mga maralita rin nating kababayan ang siyang nalulugmok sa mga gawaing
di-mainam gaya ng pagnanakaw. Pagnanakaw na kung ang konsensya nga ng
mayayama’y hindi ligtas, paano pa kaya yaong mga kumakalam ang sikmura?
Ito
ang kalagayan natin ngayon. At wala nang makapagpapabago pa nito kundi tayong
kabataan. Hahayaan pa ba natin itong maranasan at masilayan pa ng ating mga
anak? Huwag na! Itigil na natin ito dito at gawing katotoohanan ang mga hiraya
ng nakaraan. Ang pag-aaral natin sa kolehiyo ang ating tuntungan para ito ay
maabot. Igugol natin ang ating kakayahan, enerhiya at panahon sa isang dakilang
layuning mapaunlad ang ating bayan! ‘Pagkat kung tunay nating mahal ang ating
bayan; sino pa ba ang hahayaang maging bulag, pipi’t bingi ang kanyang
kababayan? Sino pa ba ang magiging tiwali? Sino pa ba ang hahayaang maghirap
ang kanyang kapwa? Wala na! Dito lamang natin masasabing tayo ang tunay na
pag-asa ng bayan kapag nalasap na natin ang kaginhawaang bunga nito.
Kaginhawaang magpaparanas sa atin ng tunay na kalayaan!
|
Larawan mula sa: mjqlaureta.blogspot.com/ |