Hanapan ang Blog na Ito

Lunes, Disyembre 1, 2014

Pambansang Paraan ng Pagsulat at Pambansang Wika ng Pilipinas

Mula sa: magandafilipino.com
              Buhay ang isang bayang ang pagmamahal sa sariling kultura ay busilak. Pati na kung ang tingin ng bawat mamamayan sa kasaysayan ng bayan nila'y superyor. Ngunit mas kahanga-hanga pa kung ang wikang gamit nila'y katutubo sa kanila, isama na rin natin pati paraan ng kanilang pagsulat.

           
Mula kay: G. Emil Yap
              Tayo man sa Pilipinas, tulad ng ibang bansa, ay may sariling kultra at kasaysayan. Tyaka sariling wika at katutubong paraan ng pagsulat. Subalit ang tanong dito ay kung napapansin, napapangalagaan at itinatangi ba ng mga Pilipino ang kanilang ariling kultura at kasaysayan?

               Ikinagulat ng marami ang ginawang hakbang ni Senador Loren Legarda nang kanyang iminungkahi sa Senado ang Senate Bill No. 2440 na tumutukoy sa pagkilala sa Baybayin (ang katutubong paraan ng pagsulat ng mga Pilipino) bilang ang ating Pambansang Paraan ng Pagsulat. Kapag ito'y naipasa, ang NCCA (National Commission for Culture and the Arts) ay ipapalaganap, pananatilihin at poprotektahan ito. Kaugnay ng senate bill na ito ay ang Senate Bill No. 1899 na humihikayat sa mga ahensya ng pamahalaan upang maglagay ng Baybayin sa kanilang mga selyo, logo, atbp. Ang ginawa na ito ni Senador Legarda ay isang gawing talagang kapita-pitaganan na nagpapakita lamang ng kanyang marubdob na hangaring mapaunlad at maipalaganap ang ating kultura at kasaysayan. Ngunit para sa akin, kahit na labis ang aking pagmamahal sa bayan, hindi pa napapanahon ang ganitong hakbang. Marami pa kasing mga nasimulan na hakbangin ang ngayo'y "nakatengga" lang at iba pang problema na kailangang pagtuunan ng pansin.

Manuel Quezon
Mula sa: malacanan.gov.ph
                 Una, mayroon na tayong wikang pambansa, ngunit nagagamit ba? Oo! Pero nino? Ng mga pulitiko ba? Ng mga intelektwal ba? HINDI!!!! Ito ay isa sa mga tinutukoy kong hakbang na nasimulan na pero hindi ipinagpatuloy. Napakalayo nito sa esensya ng Surian ng Wikang Pambansa na may layuning mapag-isa ang bayan gamit ang iisang wika. Ang wikang gagamitin ng lahat mula sa maunlad hanggang sa karaniwang tao. Ayon kay Pangulong Quezon, hindi dapat Ingles o Kastila ang wikang gagamitin ng pamahalaan kaya kailangan ng wikang pambansa. Eh anung nangyari ngayon? Hindi nga Kastila ngunit Ingles naman!

               Pangalawa, kung hindi nga natin magamit-gamit ang ating wikang pambansa, paano natin gagamitin ang ating Baybayin kung ito ay epektibo lamang sa wikang Filipino? Isipin ninyo ang Department of Health ay maglalagay ng Baybayin sa logo nila. Hindi ba't nakakalito kung ang Ingles pa rin ang kanilang pangalan sapagkat hindi magkatugma ang kultura? Kagaya ng mga ahensya nating nangangalaga ng ating kultura at kasaysayan na may Baybayin nga sa "emblem" eh Ingles naman ang pangalan. Buti na lamang at napaiba ang Komisyon sa Wikang Filipino.

              Pangatlo at ang pinakamalungkot, iba na ang tingin ng kasalukuyang henerasyon sa ating kultura at kasaysayan. Karamihan sa kabataan ngayo'y maliit na ang tingin sa ating bayan bunsod ng kaliwa't kanang problemang ating kinakaharap at kolonyal na edukasyon. Mas nakatuon kasi ang sistema ng ating edukasyon sa pagpapataas ng ating kompitensiya sa larangan ng pagsulat, pagsasalita, at pag-intindi sa wikang Ingles. Na para bang nasa wikang ito nakabatay ang kaunlaran ng isang tao. Anu nang nangyari sa Filipino at Kasaysayan ng Pilipinas? Ayun gusto nang tanggalin.
Mula sa Tanggol Wika Facebook Page

             Wala namang masama sa bill na ito ang problema lang ay mayroon pang dapat na mga hakbang bago ito maisakatuparan. Paano kung naipasa nga ito at naipatupad? Sino kaya ang magpapanatili nito kung ang mga kabataan ng henerasyon na ito ay hindi nais ang ganitong hakbangin? Gagawa na naman ba tayo ng isa pang hakbang na kapos? Huwag na! Ang mas mabuti pa'y ihanda natin ang kabataan upang maging mga mabuti at tapat na "anak ng bayan" sa pamamagitan ng isang "makabayang sistema ng edukasyon." Sa ganitong paraan hindi na natin kakailanganin ng mga batas na pangkultura 'pagkat sila na mismo ang gagawa ng mga bagay na ikabubuti ng ating bayan.

Sabado, Nobyembre 29, 2014

Kabataan sa Panahon ng Lubhang Kasadlakan ng Bayan


Larawan mula sa: malacanang.gov.ph
           Globalisasyon, Industriyalisasyon at Matatag na Republika, ilan lamang ito sa mga bagay na inaasahang magpapalitada sa baku-bakong landasin ng Pilipinas sa iba’t ibang aspekto ng lipunan. Magpapahusay sa serbisyo ng ating gobyerno, makapagbibigay ng trabaho sa milyung-milyong Pilipino at ang pag-asang mas magiging kapaki-pakinabang para sa bayan ang ating agham at teknolohiya. Ito ang mahigpit na pinanghahawakan ng mga Pilipino sa pag-asang maalwanan ang kanilang pamumuhay sa hinaharap. Ngunit, ito ay bago ang ika-21 siglo, kung kailan ang mga tao ay malubha ang pagkakalango sa kaunlarang pangako ng bagong panahon. Kaunlaran, Kapayapaan, Katiwasayan—pawang matatamis na bungang dapat lamang na matikman ng bawat Pilipino. Ganito nila nakikita ang hinaharap nila, hinaharap nila na kasalukuyan natin ngayon. Kung gayon, natatamasa na ba natin ang katotohan ng mga hirayang ito?

Larawan kuha mula sa: rappler.com


            Simula ng pagpasok ng ika-21 siglo, di yata’t nabalot agad ng lagim ang ating gobyerno. Napatalsik ang ating pangulong nangako ng globalisasyon sa kasong pandarambong. At ang Globalisasyon ay napalitan ng Imperyalismo ng mga banyagang nais pagkaisahang unti-unti ang ating bayan. Hindi natin mapabilis-bilis ang industriya nating magbibigay sana ng disenteng trabaho sa ating mga kababayan at ang Republika nati’y balot ng katiwalian. Ganito tayo ngayon, malapit lamang tayo sa guni-guni ng kaunlaran. Ang katiwasayang hangad ay napalitan ng kahirapan na nagpapatiklop-tuhod sa mga kababayan
Larawan mula sa: pinoyweekly.org
nating kuba na sa pagkakayukod sa trabaho. Kahirapag nagdulot ng kagutuman sa mayorya ng ating populasyon. Sabi nila, sa Demokratikong lipunan malakas ang mayorya, ngunit bakit iba sila? Sila ang mayoryang mahina ang tinig sa hustisya habang nabubusalan naman ang bibig at napipiringan ang mata tuwing eleksyon. Dahil sa kahirapang ito, ang mga maralita rin nating kababayan ang siyang nalulugmok sa mga gawaing di-mainam gaya ng pagnanakaw. Pagnanakaw na kung ang konsensya nga ng mayayama’y hindi ligtas, paano pa kaya yaong mga kumakalam ang sikmura?
            Ito ang kalagayan natin ngayon. At wala nang makapagpapabago pa nito kundi tayong kabataan. Hahayaan pa ba natin itong maranasan at masilayan pa ng ating mga anak? Huwag na! Itigil na natin ito dito at gawing katotoohanan ang mga hiraya ng nakaraan. Ang pag-aaral natin sa kolehiyo ang ating tuntungan para ito ay maabot. Igugol natin ang ating kakayahan, enerhiya at panahon sa isang dakilang layuning mapaunlad ang ating bayan! ‘Pagkat kung tunay nating mahal ang ating bayan; sino pa ba ang hahayaang maging bulag, pipi’t bingi ang kanyang kababayan? Sino pa ba ang magiging tiwali? Sino pa ba ang hahayaang maghirap ang kanyang kapwa? Wala na! Dito lamang natin masasabing tayo ang tunay na pag-asa ng bayan kapag nalasap na natin ang kaginhawaang bunga nito. Kaginhawaang magpaparanas sa atin ng tunay na kalayaan! 

Larawan mula sa: mjqlaureta.blogspot.com/